Creeping It Real
[FICTION] Bagong salta (Newcomer)
Basag-basag ang mga itlog. Hindi mabilang. Nakakalat sa kalsada. Sa palibot nito, may mga taong naglalakad. Pumapagaspas ang mga hakbang. Sa bilis, halos hindi mo maabutan ng tanaw ang mga hitsura. Pero sa bawat lakad ng mga ito nang mabilis, panay ang iwas sa bahagi ng kalsadang nalalatagan ng mga basag-basag na itlog.
Nakatitig lang si Catalina. May aninong gumalaw. Nagkahugis. Naging pigura ng isang dalagita. At sa bawat hakbang, nagbabago ang kulay ng pula ng itlog sa nilalakaran nito. Hindi dilaw ang nakikita niya, kundi nagiging literal na kulay pula.
Pilit na inaaninag ni Catalina ang mukha ng dalagita. Nakayuko ito. Nakatakip ang mahabang buhok sa kalahating bahagi ng mukha. Papalapit sa kinaroroonan niya. Nang mga limang hakbang na lang ang pagitan nito sa kaniya, dahan-dahan itong nag-angat ng mukha.
Naalimpungatan si Catalina. Malakas ang kabog ng dibdib niya. Hindi niya namalayang napaidlip siya. Naigala niya ang paningin sa lugar, abalang-abala ang volunteers sa pag-aayos ng ipamamahagi sa mga kababayan. Gusto rin niyang makatulong kaya’t nagdesisyon siyang sumali rin sa community pantry. At ngayon nga ang unang araw niya.
Ramdam ni Catalina ang pawis na tumutulo sa kaniyang noo sa kabila ng malamig na madaling araw. Pinahid niya iyon gamit ang palad. Nagtaka siya. Mas malagkit sa inaasahan niya ang likidong lumalabas sa kaniyang noo. May kalaputan na hindi niya mawari.
Napapikit siya. Mariin. Kinakabahan habang sinusubukang tingnan ang palad. Tigagal si Catalina. Pula. Pulang-pula ang palad niya. Ramdam din niyang nagsisimula nang tumulo ang malagkit na likido sa may kaliwang bahagi ng noo niya, tuloy-tuloy sa kaniyang pisngi. Masangsang.
Nanginginig ang buong kalamnan ni Catalina. Nanlalamig. Nagsipagtaasan ang balahibo niya sa batok. Tamang-tama naman at dumating na ang nagde-deliver ng itlog. Isa-isa niyang tsinek ang nasa loob ng tray. Maayos ang mga ito. Matapos magpasalamat ay nagpaalam na sa kaniya ang nag-deliver.
Nang mawala sa paningin niya ang nag-deliver ng itlog, namataan naman ni Catalina ang isang dalagita. Nakatayo ito sa harap ng mga nakahilerang itlog. Itinuro iyon ng dalagita. Kumuha ng supot si Catalina. Naglagay ng isang itlog. Tumuro ulit ang dalagita. Dinagdagan niya iyon ng isa pang itlog. Iaabot na sana niya ito nang tumuro ulit ang dalagita. Ngumiti si Catalina at naglagay ulit ng isa pang itlog. Nang tumango-tango ang dalagita’t tila nasiyahan, saka inabot ni Catalina ang supot na may lamang tatlong itlog.
Nakatanaw lang sa papalayong dalagita si Catalina. Puno ng pagtataka. Hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Nilamon ng dilim ng madaling araw.
Nang mawala sa paningin niya ang dalagita, nagtaka siya, may tatlong bulok na itlog sa tray kung saan siya kumuha kanina. Nagkibit-balikat na lang si Catalina. Sa isip-isip niya, baka namalik-mata siya kanina’t hindi napansin. Nakatalukbong pa nga naman ang kalangitan.
Hinihila ng antok si Catalina. Kahit na anong gawin niyang dilat ng mata, kusa iyong pumipikit. Sinampal-sampal niya ang sarili nang manatiling gising. Inilibot niya ang kaniyang paningin, abala ang kagaya niyang volunteers sa pag-aayos ng mga gulay, prutas, de-lata, noodles, kape, bigas at itlog.
Wala sa sariling napatingin siya sa isang puno, may limang hakbang ang pagitan nito sa kaniyang kinauupuan. Isang dalagita ang lumitaw. May bitbit itong supot na may lamang tatlong itlog.
Tinatawag nito ang kaniyang Tatay. Nakangiti ito habang ipinakikita sa ama ang supot na may tatlong pirasong itlog. Nakangiti rin ang Tatay ng dalagita. Papalapit na sana ito upang salubungin ang anak nang bigla itong napakambiyo pabalik. Kumaripas ng takbo palayo sa dalagita.
May pagkabahalang napalingon ang dalagita sa kaniyang likuran. May dalawang pulis na nakangisi sa kaniya. Nakaloloko ang ngisi ng dalawa.
“Tatay mo ba ‘yun? ‘Yung pusher?” tanong ng isang pulis na may katabaan.
Kumindat ang isang pulis. “Iyan na lang. Palit-ulo.”
Alinlangang tumango ang dalagita. At kasabay ng pagtango nito, putok ng baril ang bumasag sa naghihikab na madaling araw.
Namilog ang mata ni Catalina sa nasaksihan. Hindi siya makagalaw. Hindi siya makasigaw. Tiningnan niya ang dalagita. Nakahandusay ito sa kalsada. Sabog ang kaliwang bahagi ng noo. Lumiligwak mula roon ang dugo. Sa palibot nito, nagkalat ang tatlong itlog. Basag. Humahalo sa pula ng itlog ang dugo ng dalagita.
“Excuse me! Miss! Hello!”
Napaungol si Catalina.
“Miss! Gising!”
Tuluyang nagising si Catalina sa lakas ng boses at walang tigil na pagyugyog sa kaniya.
“Hindi mo ba alam na bawal maidlip ng ganitong oras?” tanong ng vlogger na kanina pa palang nakatayo sa harap ni Catalina. Sinipat nito ang screen ng cellphone para tingnan ang oras. “Alas-tres ng madaling araw oh…” dagdag pa nito. At halos idikit nito ang cellphone sa mukha ni Catalina.
Nakatitig lang si Catalina sa nagsasalita.
“Pero huwag kang mag-alala, nagpapakita lang naman ‘yan sa mga bagong salta.” At tumalikod na ang vlogger, may bago na namang siyang maitsitsika sa followers niya sa Tiktok.
Got a spooky story haunting the drafts? Send it over to [email protected] on or before Wednesday, Oct. 26 for a chance to get published on the PhilSTAR L!fe website from Oct. 30 to Nov. 1. The piece should be a maximum of 800 words in English or Filipino. Happy writing, and creep it real.