Style Living Self Celebrity Geeky News and Views
In the Paper BrandedUp Hello! Create with us Privacy Policy

Kay ganda ng ating mura: Ano ang kahalagahan ng 'bad words' sa wikang Filipino?

Published Aug 26, 2021 1:13 pm Updated Aug 06, 2023 4:03 pm

Warning: explicit content.

Magtatapos na ako ng high school nang una kong nasilayan ang katagang “Parental advisory: explicit content” sa ilang mga pabalat ng cassette tapes noon sa department store ng SM Centerpoint sa San Juan. Tanda ko pa, magkahalong kaba at pagkaintriga ang naramdaman ko nang makita ang kakaibang tanda na ‘yun sa mga album ng Metallica, Limp Bizkit, Korn, atbp. Tila ba may misteryosong mahika.

Ayon sa ilang mga eksperto, may ibang taglay na kapangyarihan ang mga salitang mura o “profanity” sa Ingles. Sabi ng cognitive science professor na si Benjamin Bergen, may akda ng librong What the F: What Swearing Reveals About Our Language, Our Brains and Ourselves, ang pagbabawal sa mga mura ang mismong nagbibigay ng kapangyarihan nito.

“Our parents and the culture we grew up in programmed us to suppress profanity. But our reenactment of these same suppressive responses as adults gives profanity the power it has,” aniya sa kaniyang libro.

Sabi rin ni Aileen Salonga, na professor ng English Studies sa UP Diliman, nang aking kapanayamin, “Swear words become swear words kasi they are taboo, and yun ang reason why they have that power.”

Ayon naman kay Jesus Federico Hernandez, associate professor ng linguistics sa UP, mahalaga din pag-aralan ang mura dahil sa mga maraming gamit nito.

“It allows us to express anger and frustration, it clarifies what is desirable and what is not in society, and it reinforces taboo. Sinasalamin din nito ang mga posisyon at tindig ng kalakhang lipunan tungkol sa ilang mga bagay,’ sabi ni Hernandez.

Tanda ko rin dati noong high school pa ako, isang malaking OMG moment nang una kong marinig sa himpapawid ang Pare Ko ng E-Heads dahil bukod sa maganda’t nakaka-LSS yung piyesa, dito ko unang narinig ang mura na PI sa musika. Pero yun nga lang, censored ang bahaging ito 'pag pinapatugtog noon sa radyo. Pero ngayon, nag-iba na ang ihip ng hangin. Mismong ang presidente ng ating bansa ay walang kemeng magmura. Ang isa sa pinakapatok na online seller din na si "Madam Inutz," normal na lang na tadtarin ng mura ang kaniyang live videos.

Ani Bergen, imbes na outright censorship sa mga mura, na sa ilang kaso ay legislated pa, mas malalagay mo sa lugar ang “profanity” kung mas tatalakayin ito at iintindihin, upang ‘pag ito ay ginamit ay wasto ang konteksto.

Dagdag pa niya, walang salita na inherently good or bad dahil tanging konteksto lamang ang magtitimbang dito. Isa lang itong kasangkapan tulad ng kutsilyo na depende sa gamit, ay maaring makasakit ng ibang tao, o makatulong sa pagluluto. Bukod dito, ilang mga pagaaral na rin ang nagsabi na may evolutionary advantage ang pagmumura, tulad ng pagibsan daw nito sa nararamdamang sakit.

Narito ang ilang mga popular na mura sa wikang Filipino.

Lintik

Dahil kasingkahulugan ng lintik ang kidlat, kapag sinabihan ang isang tao na “lintik ka” ay para mo na ring sinabi na “mamatay ka (sa kidlat).” 

Madalas din itong sabihin ng ilang mga matatanda sa mga pilyong bata na tipong “Lintik kang bata ka,” o di kaya’y, “malilintikan ka sa talaga sa akin.” 

Nagkaroon na rin ng dalawang action film na pinamagatang Lintik Lang Ang Walang Ganti, isa noong ‘80s, at isa noong ‘90s.

Lintik din ang pamagat ng isang popular na kanta ng reggae band na Brownman Revival.

Tanga, Gago, Tarantado, Gunggong, Bobo, Estupido

Isang taong mahina ang pag-iisip ang kahulugan ng mga ito. Sa Ingles, idiot o stupid ang nalalapit na katumbas.

Ang salitang tarantado na galing sa taranta ay tumutukoy sa isang taong madaling mataranta o mahina ang kokote. Pero ang lahat ng salitang ito, madalas ginagamit para insultuhin ang sinuman bilang mababang uri.

Galing ang clip sa baba mula sa pelikulang "Hataw, Tatay, Hataw" (1994).

Pakshet

Maituturing na isang portmanteau ang mura na pakshet dahil pinagsama nito ang murang Ingles na "fuck" at "shit." Madalas itong expression pag galit o badtrip ang isang tao sa isang kapwa tao, bagay, o sitwasyon.

Galing naman ang clip sa baba sa pelikulang "Pinay Pie" (2003).

Punyeta

Halaw ang murang punyeta sa mga Kastila at madalis ding sinasambit pag naaalibadbaran o nagagalit ang isang tao.

Galing ito sa salitang Espanol na “puño” o kamay na sa salitang balbal ay tinutukoy ang pagbabate ng isang lalaki. Bastardong anak din nito ang mas Filipinized at mas batang bersyon na “punyemas.”

Putangina

Ito na marahil ang isa sa pinakalaganap na mura sa wikang Filipino. Hango sa salitang “puta” in Spanish, katumbas ito ng katagang “son of a bitch” sa wikang Ingles. Sa isang banda, sinasalamin din daw nito ang tradisyunal na pananaw sa mga kababaihan sa lipunan.

Ani Hernandez, nagsisilbi na salamin sa lipunan ang mga popular na mura.

“May makikita tayong isang domain dito na may kinalaman sa kababaihan na sumasalamin lamang din sa di-pagkakapantay ng mga posisyon sa lipunan. Sinasalamin din nito ang patriyarka,” ani Hernandez.

Pero bagamat may literal na translation ang “putangina mo,” hindi laging paglapastangan sa nanay ng kausap ang ibig sabihin nito, ayon na mismo ito sa isang desisyon ng Korte Suprema.

“This is a common enough expression in the dialect that is often employed, not really to slander but rather to express anger or displeasure. It is seldom, if ever, taken in its literal sense by the hearer, that is, as a reflection on the virtues of a mother,” ang sabi ng SC sa isang desisyon na nagpawalang-sala sa isang nasakdal sa kasong slander dahil sa pagmumura.

Dahil dito sa non-literal na meaning ng murang ito natin na-gets na hindi directly niyurakan ni Popoy (John Lloyd Cruz) ang nanay ni Basha (Bea Alonzo) sa 2007 film na "One More Chance" nang habang lumuluha ay bumulalas siya ng “Putangina naman Bash.”

Tellingly, hindi rin ninais ni Canor (Ronaldo Valdez) na apakan ang dignidad ng nanay ng asawa niyang si Cora (Giña Pareno) sa 1998 na pelikulang "Labs Kita… Okey ka Lang?" nang sampalin niya ito bigla ng isang napakalutong na PI.

“Putangina mo!” sabi ni Canor kay Cora matapos niyang ihampas sa pader ang kaniyang pinakamamahal na gitara.

“Hindi magagaya sa'kin 'yang anak ko, dahil walang asawang katulad mo! Kaya hindi natuloy ang pangarap ko e. Dahil kinontra mo eh! Pinamili mo 'ko, kung 'yung pangarap ko, o ikaw. Natural pipiliin kita! Mahal kita e! O ano nangyari sa'kin ngayon? Isa 'kong walang kakuwenta-kuwentang tao! Walang pangarap. Walang ambisyon, Walang direksyon! Pero kahit ganito ako, kahit kelan 'di ako nagsisi na nawala ang pangarap ko dahil pinili kita. Kasi mahal kita eh.”