'We are just getting started': Full text of Robredo address as Marcos widens lead
In a televised address in the early hours of Tuesday, May 10, Vice President and presidential candidate Leni Robredo told supporters "nothing has been wasted; we did not fail." This, as partial and unofficial results show Ferdinand Marcos, Jr. is poised to to win a landslide presidential election victory.
Robredo admitted "clear disappointment" about the result. "Alam kong hindi madaling tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count. Hindi lang panghihinayang, kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay," she said.
In the final weeks before the election, Robredo's campaign rallies drew hundreds of thousands across the nation.
Robredo indicated that the pro-democracy movement they started would continue after the final results are announced, a process expected to take weeks.
"We are just getting started," she said.
Below is Robredo's full address:
Una sa lahat, hayaan ninyo akong magpasalamat. Sa lahat ng bumoto. Sa lahat ng nangumbinsi sa kanilang mga pamilya, kaibigan, kakilala, kahit ng mga di kakilala, sa iba't ibang paraan. Sa mga nagtaya ng karera at pangalan sa pagbabahagi ng ating mensahe. Sa milyon-milyong nagtipon sa mga rally, nag-house-to-house, nagpaskil ng mga tarps, nagpost sa social media, nagsulat, gumawa ng mga video at patalastas, sa mga medic, sa mga kusang naglinis sa ating mga rally, nagpinta at tumugtog at nagpahiram ng boses para maipakita ang lakas ng taumbayang nakatikim ng pag-asa. Hindi kayang sukatin ng numero ang lalim ng pagmamahal ninyo. Maraming, maraming salamat sa inyo.
Alam kong hindi madaling tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count. Hindi lang panghihinayang, kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay.
Mulat din ako: Ang pagkadismayang ito, maaaring lalong kumulo, lalo pa dahil may naiulat na irregularities sa halalang ito. Hanggang ngayon, mayroon pang mga taong hindi pa nabibilang ang boto. Meron sa inyong buong araw nang nasa mga presinto at nananatili doon hanggang ngayon, hinihintay na maipasok ang balota sa mga makina. Kaisa ninyo ako sa paniniwala na kailangang isalamin ng halalan ang buo at wastong tinig ng taumbayan. Mahalagang maging mas matibay ang tiwala ng tao sa proseso ng ating demokrasya. Gagawin natin ang lahat para maabot ang layuning ito.
Gayumpaman, sinasabi ko sa inyo: Alam kong mahal natin ang bansa, pero hindi puwedeng maging ugat pa ng pagkakawatak-watak ang pagmamahal na ito.
Bagaman may hindi pa nabibilang; bagaman may mga tanong pa ukol sa eleksyon na ito na kailangang matugunan: Palinaw na nang palinaw ang tinig ng taumbayan. Sa ngalan ng Pilipinas na alam kong mahal na mahal rin ninyo: Kailangan nating pakinggan ang tinig na ito, dahil sa huli, iisa lang ang bayang pinagsasaluhan natin.
Sa ngayon, balikan ang lahat ng mga pinagdaanan natin nitong mga nakaraang buwan. Napakaraming sandali kung kailan pinuno ng hiwaga ang mga puso natin. Noon pa man, alam natin kung gaano kahirap ang labang kakaharapin natin. Nagsimula tayo sa halos wala. Pero unti-unti, dumating ang nag-aambagan, dumami nang dumami ang nagbabayanihan. Dinapuan kayo ng inspirasyon at lumikha ng sining. Dahil sa pagbubukas-palad ninyo, palaging nag-uumapaw ang pagkain at tubig sa mga pagtitipon natin. Alam kong napakaraming pagkakataon na napagod kayo, pero lagi, nairaos ninyo ang susunod na hakbang. Ginawa ko ang lahat ng makakaya; tinumbasan ninyo ito, minsan higit pa. Walang dadaig sa kapayapaang dala ng katotohanang ito.
Maging panatag sa inyong ambag: May nasimulan tayong hindi pa kailanman nasasaksihan sa buong kasaysayan ng bansa. Isang kampanyang pinamunuan ng taumbayan. Isang kilusang nabuo hindi lang para baklasin ang luma at bulok na sistema, kundi para magpanday ng totoo at positibong pagbabago. Isinadiwa ninyo ang demokrasya, hindi lang sa pagboto, kundi sa pagmamahal sa kapwa Pilipino. Napakalaking tagumpay nito—at maituturing lang na bigo ang kampanya natin kung hahayaan nating malusaw ang nabuo nating samahan.
Kaya sinasabi ko sa inyo ngayon: Walang nasayang; hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga: Hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas, at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto; may kilusang isinilang, at hindi ito papanaw sa pagtatapos ng bilangan. Ang namulat, di na muling mapipikit. Hindi natin kailanman hahayaang makatulog muli ang pag-asang nagising.
Wala akong planong abandonahin ang mga bagay na habambuhay ko nang ipinaglalaban. Tuloy ang trabaho ko para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan. Tinatawag ko kayong samahan ako dito, at sa iba pang mga laban. Kakailanganin ng bansa ang inyong patuloy na pakikilahok—hindi lang ukol sa anumang kahihinatnan ng bilangan at halalang ito, kundi sa pagsusulong ng katarungan, ng karapatan, ng dignidad ng Pilipino sa mga susunod na panahon. Tandaan natin: Nangyayari ang halalan kada tatlong taon. Sa pagitan nito, asahan na ninyo na marami tayong kakailanganing ipaglaban.
Kaya huwag kayong bibitaw. Panatilihing aktibo ang mga komunidad. Patuloy na tumindig. Igiit ang katotohanan. Matagal binuo ang mga istruktura ng kasinungalingan; may panahon at pagkakataon tayo ngayong labanan at baklasin ito. Lalong palawakin ang pusong nabuksan na; damhin ang dinadaanan ng kapwa natin, makipasan ng mga dalahin nila, ituloy ang laban para iangat ang buhay ng lahat. Patuloy tayo magmahal. Maaaring hindi ngayon, maaaring hindi bukas o sa makalawa o sa susunod na taon, pero may liwanag pa ring nag-aabang basta't handa tayong magsikap na abutin ito.
Wala nang mas lilinaw pang patunay sa naabot natin sa kampanyang ito: Nasa kamay ng karaniwang Pilipino ang tunay na kapangyarihan. Kayo ang totoong namumuno. Sumusunod lang ako.
‘Wag mapagod. Bukas at magpakailanman, magkakasama ang lahat ng Pilipino. Maraming, maraming salamat. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.