Ang katotohanan sa likod ng pagiging Person Living With HIV (PLHIV) sa Pilipinas
Saksi ako sa maraming kwento ng diskriminasyon at pagmamalupit sa mga kapwa ko HIV+.
Minsa’y nakakalungkot dahil nagmumula pa ito sa mga taong sana’y kakampi nila. Ilan ito sa mga dahilan kung bakit maraming katulad ko ang natatakot, nagkukubli, at minsa’y pinipili na lamang wakasan ang sariling buhay.
Ngunit sa kabila ng aking nararamdamang takot, pangamba, at walang kasiguraduhan, pinili kong humarap sa lahat at sabihing may HIV rin ako.
Nagsimula ang lahat nang ako’y ma-diagnose as HIV reactive noong 2014. Gumuho ang mundo ko—walang ibang laman ang isip kung hindi mamatay na ako. Hindi ko na matutupad ang pangarap kong maging guro, hindi na ako magkakaanak. Noong panahong ‘yon, wala akong ka-ide-ideya tungkol sa HIV maliban sa “automatic death” na aking hahantungan.
Naisip ko lahat ng mga makamundong bagay na ginawa ko; kung kani-kanino, kung saan-saan. Pinagsisisihan ang lahat—sana’y hindi ko ginawa, sana mas minahal ko ang aking sarili, sana hinanap ko ang kaligayahan sa ibang paraan. Imbes na magrebelde dahil sa kakulangan sa pagmamahal mula sa magulang, sana pinili kong magtino. Pero nangyari na. Wala na akong pamimilian kung hindi lumaban at tumuloy sa buhay.
Dalawang taon akong nagtago pagkatapos kong ma-diagnose. Mula 2014 hanggang 2016, umalis ako ng Pasig para lumipat sa Quezon City. Mahirap ang aking laban dahil lumalaban ako mag-isa. Naranasan kong walang matulugan, walang makain. Ni isa sa kapamilya ko, hindi alam ang status ko. Minsan sila pa ang nagiging dahilan kung bakit ako nahihirapan, pero hindi ako sumuko. Ginamit ko ang mga karanasan ko bilang sandata para maka-surivive at tumuloy, kahit mag-isa.
“Paulit-ulit kong dadalhin ang kanilang kwento upang maipabatid sa lahat na bagama’t may HIV kami, deserving pa ring mahalin, pahalagahan, at magkaroon ng maayos na pamilya at pamumuhay.”
Sa gitna ng laban, may pangyayaring hindi ko lubos na napaghandaan. Bumalik ako ng Pasig at nakilala ko ang treatment facility kung saan ako nagsimulang magpagamot. Binuo na rin namin ang Positibong Pasigueño at nagsimula akong magturo sa mga community. Nagsimula akong mag-disclose ng aking status sa ilang mga tao.
At dahil sa tawag ng pagmamahal sa ipinaglalaban, kinailangan kong harapin ang aking kinatatakutan: ang pagtatapat sa aking pamilya.
Handa na ako kung sakaling ako’y kanilang itataboy at pandidirihan. Nagkamali ako: nagsimula sa yakap ng aking ina na matagal kong hindi naramdaman; yakap na pumawi sa lahat ng pagod, sakit, at paghihirap na pinagdaanan ko. Yakap na muling bumuo sa luray-luray kong pagkatao. Sinundan ng pagsuporta ng aking pamilya, ni isa walang lumayo. Buong puso akong tinanggap ng mga taong akala ko’y ipagtatabuyan ako. Nangako silang hindi ako iiwan. Lalaban kami bilang isang buong pamilya. Haharapin namin ang lahat nang magkakasama.
Ngayon, walang diskriminasyong magpapasuko sakin, walang iindahing masasakit na salita dahil mas malakas ang sigaw ng pagmamahal ng aking pamilya, ng aking nanay. Akala ko HIV ang wawasak sa akin nang tuluyan, ngunit ito pala ang magiging daan upang mabuo akong muli. Ito pala ang daan para mabuong muli ang pamilya ko.
Mas malakas na akong lalaban para sa mga kapwa PLHIV. Sisikapin kong magsilbing tinig ng kanilang hikbi at takot. Paulit-ulit kong dadalhin ang kanilang kwento upang maipabatid sa lahat na bagama’t may HIV kami, deserving pa ring mahalin, pahalagahan, at magkaroon ng maayos na pamilya at pamumuhay.
“Hindi HIV ang nagbibigay-kahulugan sa aming pagkatao.”
Ating wakasan ang mga misconception na ang isang taong may HIV ay marumi o hindi normal. Ang pagbabago ay maaaring magsimula sa atin mismo – ang mga maling pag-aakala ay mawawala kung mas maraming tao ang well-informed at vocal tungkol sa HIV. Patuloy rin tayong aapela sa gobyero na magsagawa ng standardized na polisiya at programa na na-iimplement nang tama. Magkakampi ang community at gobyerno. Kailangan nilang magtulungan upang ma-address ang mataas na kaso ng HIV sa Pilipinas.
Ang isang taong tulad ko ay may karapatang mamuhay nang maayos at payapa sa isang komunidad na hindi kami tinitignan bilang marumi, kundi bilang tao. Bago kami nagkaroon ng HIV, kami ay tao. Tao na may karapatan, na dapat kapantay. Hindi HIV ang nagbibigay-kahulugan sa aming pagkatao.
A portion of this essay was submitted to the International AIDS Candlelight Memorial 2020 Your Story Matters Photo Essay Contest and was awarded second place.