Simbolo ng hugot, lambing, at kilig: Ano nga ba ang ‘pag-ibig’ sa wikang Filipino?
“Mundo ko’y baliktarin, babalik-balik ka rin.”
Hindi ko kayang ipahayag ang aking nararamdaman sa wikang Filipino. Sa totoo lang, hirap akong maglabas ng aking saloobin—lalo na’t pagdating sa usaping pag-ibig—bilang isang babae. Dito ako humahanga sa aking sinta.
Simula kolehiyo hanggang sa kasalukuyan, hindi siya nauubusan ng mga matalinghagang salita upang iparamdam niya sa akin kung gaano niya ako kamahal. Subok din naman ang kakayahan kong magpakilig. Sa wikang Ingles nga lang. Gayunpaman, hindi natin maitatanggi ang taglay na kiliti at kilig ng wikang Filipino.
Ayon kay De La Salle University assistant prof. lecturer Jhed Eduard Guinto, romantiko umano ang wikang Filipino dahil sa katangi-tangi nitong paraan ng pagpapahayag.
“Marami rin tayong mga salita sa konsepto ng ‘pagmamahal’ at maliban pa roon, very functional din kasi ang wika natin. Kung ano ang mismong salita, ganoon din natin siya ibinibigkas. And somehow, nandoon ang mismong kahulugan lalo na kapag gumagamit tayo ng mga panlapi (affixes) at pang-uri (adjective),” dagdag ni Guinto.
Bukod sa pagpapakilig, kadalasan ding ginagamit ang wikang Filipino sa “hugot culture” na makikita natin sa mga sikat na pelikula at kanta. Sino ang makakalimot sa linyang “Sana ako na lang, ako na lang ulit” ni Basha sa pelikulang One More Chance? O ang lirikong “Oo nga pala, hindi nga pala tayo” sa kantang Migraine na paborito ng mga sawi sa pag-ibig.
Natatandaan ko pang isa rin ako sa mga makapal ang mukhang nagpaparinig sa high school crush noon. Ang sabi ko pa, “Hindi ko alam kailan tayo magkikita uli kaya mas mabuti nang umamin ngayon kaysa pagsisihan ko ito habang buhay.” Mabuti na lang at binaha ng suporta ang comments section kahit hindi niya napagtantong para sa kanya iyon.
Noon pa man, epektibo na ang wikang Filipino sa pagpapakilig, panliligaw, at panunuyo. Paliwanag ni Guinto, maraming salita ang wikang Filipino na naglalarawan sa “karanasan ng pagmamahal at iba pang peripheral experience na kaakibat nito.”
Ani Guinto, dito rin natin makikita na ang wikang Filipino ay hindi lang “instrumento ng paghayag ng mga ibig nating sabihin.”
Sabi rin ni Aileen Salonga, na propesor ng English Studies sa UP Diliman, produkto rin ng “social valuing, representation, and idea” ang romance sa wikang Filipino.
Sa kabilang banda, sabi naman ni David San Juan, manunulat at propesor ng De La Salle University, na dito makikita ang pagiging “authentic at genuine” ng Filipino.
Narito ang ilang mga nakakakilig na salita sa wikang Filipino:
Sinta
Literal na kahulugan nito ay beloved sa wikang Ingles. Kadalasan itong ginagamit sa mga kantang OPM bilang term of endearment.
Binigyang-diin ng IV Of Spades ang “sinta” sa chorus ng kantang Mundo.
Mayroon din itong katumbas na salitang “cinta” sa wikang Bahasa Melayu at Indonesian na nangangahulugang “love.”
Kasintahan, Sinisinta
Galing sa salitang kasintahan, tumutukoy ito sa syota, nobyo, o nobya ng isang tao. Madalas itong ginagamit upang mailarawan ang pagmamahal o pagnanasa ng isang tao.
Sa Ingles, loved one, sweetheart, girlfriend, or boyfriend ang nalalapit na kahulugan nito.
Pag-iisang dibdib
Maituturing itong kombinasyon ng mga salitang “isa” at “dibdib.” Kadalasan itong ginagamit tuwing may ikakasal dahil ipinapakita nito ang pagiging “iisang” tao ng mag-asawa.
Galing naman ang clip sa itaas mula sa teleseryeng Walang Hanggan (2012).
Kasuyuan, Pagsuyo, Panunuyo
Ang salitang pagsuyo ay maaaring maihalintulad sa panliligaw. Ginagamit ito kapag gusto mong ipakita ang iyong nararamdaman sa iyong sinta.
“Karaniwan, ginagamit natin ang pagsuyo na katulad ng paglalambing. Inaamok o kinukuha natin ang loob ng taong minamahal natin,” wika ni Guinto.
Isang halimbawa nito ang clip sa itaas mula sa reality show Pinoy Big Brother (2015) noong inamin ni Bailey May ang kanyang nararamdaman kay Ylona Garcia.
Kaibigan
Depende na lang kung paano mo babasahin: kung kaibígan o kâibigan. Pangkaraniwan itong ginagamit sa mga magkaibigang may nararamdaman para sa isa’t-isa.
Ani San Juan, ang “ambiguity” nito ay nagpapahiwatig na ang “lover is also a friend and a friend can also become a lover.”
Kilig
Ito ang isa sa pinakalaganap na salitang pag-ibig sa wikang Filipino. Katumbas nito ang katagang “romantic excitement” sa Ingles.
Ani Fernandez, nagsisilbi itong “distinct na karanasan” bilang mga Pilipino kaya bahagi ito ng ating wika.
Kilig din ang pamagat ng isang popular na kanta ni Maja Salvador.
Kung mailalarawan ang mismong karanasan ng kilig, sabi nga ni Maja: "Ako'y kinikilig. 'Pag ika'y lumalapit, ako'y nanginginig. At nadarama ang puso na pumipintig. Natutuwa sa 'yong tinig. Oh, ito nga ba ang pag-ibig?”