PCSO, Katuwang sa pagpapaunlad ng kasaysayan, kultura at wikang Filipino
Ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay buong pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan, Kultura, at Wika sa Pilipinas. Bilang mga Pilipino, mahalaga ang ating wika bilang batayan ng ating pagkakakilanlan at pambansang pagkakaisa.
Ang pag-aaral ng ating wika ay hindi lamang para sa komunikasyon; ito rin ay isang paraan upang pagyamanin ang ating kultura at kasaysayan. Sa pamamagitan ng mas malalim na pag-unawa at pagpapahalaga sa ating wika, naitatampok natin ang mga kwento at karanasang bumubuo sa ating pagka-Pilipino.
Ipinapaabot ng PCSO ang kanilang aktibong pakikibahagi sa adhikaing ito. Noong ika-12 ng Agosto, 2024, nagbigay ang PCSO ng kabuuang halaga na P114,846,042.60 bilang suporta sa Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED). Layunin ng PCSO na makatulong sa pagpapalawak ng edukasyon sa bansa. Ang pondong ito ay inaasahang magpapalakas sa programang pang-edukasyon na naglalayong isulong ang masusing pag-aaral ng ating wika, kultura at kasaysayan.
Inaasahan ng PCSO na makikinabang ang maraming kabataang Pilipino mula sa programang ito, at hinihimok ang lahat na pagyamanin pa ang kanilang kaalaman at pagpapahalaga sa ating wika. Sama-sama nating ipagdiwang at itaguyod ang ating wika, kultura at kasaysayan para sa mas maunlad at nagkakaisang Pilipinas.
PCSO, Hindi Umuurong Sa Pagtulong!
* * *
Editor’s Note: This article was provided by PCSO.